Landayan, San Pedro, Laguna, Philippines
Saturday May 25th 2013

Mga Himala sa Prusisyon ni Lolo Uweng

Malaking pangamba ang bumalot sa buong bansa nang iniulat ng PAGASA noong Mayo 24, 2011 na ang Bagyong Chedeng, na itinayang kasing-lakas ng mapaminsalang Bagyong Ondoy noong Sityembre 2010, ay tatama at magdudulot ng malaking pinsala sa Pilipinas sa pagitan ng Mayo 26 at 29. Paulit-ulit na inireport ng media ang mga paghahanda na ginawa ng buong Metro Manila upang maiwasan ang nangyari noon sa Bagyong Ondoy. Nilinis ang mga estero. Inihanda ang mga rubber boats at mga gamit pang-sagip sa baha. Inihanda rin ang mga evacuation areas. Pati ang mga chain saw na pamutol sa mga puno na matutumba ng hangin. Ang mga giant billboards sa EDSA, SLEX at NLEX ay itiniklop.

Sa Lalawigan ng Albay, nagsagawa ang Pamahalaang Panlalawigan ng voluntary evacuation. Inilikas ang libo-libong mamamayan mula sa mga lugar na delikado sa baha at malakas na hangin. Sa iba pang lalawigan at bayan sa Kabisayaan at Silangang Luzon, matindi rin ang paghahanda laban sa maaaring pinsala ni Chedeng sa buhay at ari-arian.

Kasama sa mga lubos na nangamba at natakot ay ang mga naninirahan sa Parokya ng Sto. Sepulcro sa Barangay Landayan, San Roque at Cuyab na ipinagdiriwang ang Kapistahan ng kanilang milagrosong patron na si Lolo Uweng tuwing Mayo 29. Sa kabila ng pangamba at takot, umaasa ang mga taga parokya na hindi papayagan ni Lolo Uweng na masira at masayang ang mga paghahanda para sa kanyang taunang kaarawan, lalo na ang nakatakdang prusisyon – ang kanyang taunang “pamamasyal” sa bahay-bahay ng mga naninirahan sa kanyang tahanang parokya. Sama-samang nanalangin ang mga tao ng himala.

Mayo 26, ang itinayang petsa ng landfall, inuulat ng PAGASA ang unang himala. Lumihis at nagbago ng direksiyon si Chedeng. Sa halip na sa Pilipinas tatama, tumungo sa direksiyon ng bansang Japan at Taiwan . Nanariwa sa mga taga-parokya ang himala na nangyari noong araw ng Pagtatalaga ng Dambana ni Lolo Uweng (Enshrinement) noong Disyembre  1, 2006 nang wala ni isang patak ng ulan ang bumagsak sa Landayan habang ang ibang bahagi ng Luzon ay hinahagupit ng Bagyong Reming. Mahigit 1,000 tao ang namatay at umaabot sa P5 bilyong halaga ng pananim at ari-arian ang pininsala ni Reming, na itinuring na ikatlo sa pinakamalakas at pinakamapaminsalang bagyo sa Pilipinas mula pa noong 1947.

Umaga ng Mayo 29, ang araw ng kapistahan ni Lolo Uweng, naging maaliwalas ang kalangitan. Dahil panahon ng tag-ulan ang buwan ng Mayo, nagsimulang umulan nang bandang tanghalian, saktong pagkatapos ng Concelebrated Mass at Binyagan. Sa ganap na 3:00 p.m. , ang nakatakdang oras ng prusisyon, naganap ang ikalawang himala – tumila nang ganap ang ulan. Lumabas si Lolo Uweng ng simbahan nang walang pumapatak na ulan. Lumabas din sa kanilang mga tahanan ang mga magpruprusiyon nang hindi na kinailangan pa ng payong. Nagtago ang Haring Araw at kulimlim ang kalangitan, tamang-tama para sa maginhawang pagdaraos ng isang prusisyon.

Handa ang mga deboto na maglakad at magdasal sa mga lansangan ng anim na barangay sa San Pedro: Landayan, San Roque, Cuyab, Sto. Nino, Poblacion, at Nueva. Ayon kay Msgr. Jose D. Barriion, parish priest ng Parokya ng Sto. Sepulcro, sadyang pinalawak ng pamunuan ng Parokya ang lugar na daraanan ng prusisyon sa taong ito bilang bahagi ng pagpapalaganap ng debosyon kay Lolo Uweng. Maraming taga San Pedro, lalo na ang mga bagong naninirahan dito, ang hindi pa kilala si Lolo Uweng, daig pa halos ng taga ibang lugar sa Laguna at Metro Manila na dumadayo sa Landayan tuwing Biyernes. At dahil si Lolo Uweng ay patron ng isang Diocesan Shrine, hindi lamang siya pang-Landayan kundi para sa lahat ng nasasakupan ng Diyosesis ng San Pablo . Sa mga susunod na panahon ay balak iprusisyon din si Lolo Uweng ibang barangay – tulad ng San Antonio at San Vicente – na malapit sa parokya.

Sa pag-usad ng prusisyon, marami pang himala ang nangyari. Bukod sa mga daang-daang tao na sumabay at sumama sa prusisyon, naglabasan sa kanilang mga bahay ang libo-libong tao sa ruta ng prusisyon upang samantalahin ang pagdaan ni Lolo Uweng sa kanilang mga lugar. Kung noon ang mga tao ay pinanonood lang ang pagdaan ni Lolo Uweng, ang nasaksihan ngayon ay kakaiba. Sa halip na mag-usyoso lang, ang mga tao ay may hawak na kandila habang nakatayo sa gilid ng lansangan, at  ang iba ay nagtirik ng kandila sa iba-t-ibang bahagi ng kanilang bahay. Inilabas din sa gilid ng daraanan ni Lolo Uweng ang mga may sakit, na ang iba ay nakalulan pa sa wheelchair. Sa halip na alamin kung sino-sino at maghanap ng kakilala sa mga nakikipag-prusisyon, ang karamihan ay makikitang umuusal ng panalangin habang nakatingin sa milagrosong Poon.

“Naniniwala ako sa milagro ni Lolo Uweng at ipinagdasal ko na bigyan niya ng kagalingan ang aking ina na may malalang sakit,” ang sabi ng isang taga-San Roque. Sa lansangan na kinaroroonan ng Barangay Hall ng Cuyab na dinaanan ng prusisyon ng patron sa kauna-unahang pagkakataon, wika ng isang mananampalataya- ”Salamat at  dinalaw na rin kami dito ni Lolo Uweng at sana mahinto na ang mga kaguluhan at masasamang bisyo na nangyayari dito sa aming lugar.”

Sa lansangan ng Sto. Nino pinakamaraming nagsindi ng kandila. Ani ng isang ina na may kargang sanggol na tila may sakit: ”Ipinagdasal ko siya kay Lolo Uweng upang gumaling siya sa kanyang sakit, katulad ng ginawa niyang pagpapagaling sa mga may kanser na napanood ko sa TV.” Dugtong ng isang deboto na katabi ng babae:” Tiyak maraming hinipo si Lolo Uweng sa mga dinaanan niyang lugar at maraming maliliit na himala ang nangyari sa maraming mananampalataya”.

“Sa wakas nakita ko na rin ng personal si Lolo Uweng,” ang biro ng isang dalagita na napanood ang pagsasalarawan kay Lolo Uweng sa telebisyon. Si Lolo Uweng ay paulit-ulit nang naitampok sa mga sikat na programa sa telebisyon tulad ng Rated K, Umagang Kay Ganda, Jessica Sojo Reports, Chances Are at Kalye.

Sa kabayanan ng San Pedro, na kung saan si Lolo Uweng ay idinarayo at ipinuprusisyon noong kapanahunang 1950s,  maraming tao sa kahabaan ng Mabini St. sa tapat ng Town Plasa at San Pedro Apostol Church ang tumigil sa kanilang paglalakad upang masilayan ang milagrosong Poon. Sa tapat ng palengke, itinigil pansamantala ng mga tao ang kanilang mga ginagawa upang magbigay galang kay Lolo Uweng.

Matatandaan na inilahad ni Ginang Loleng B. Ignacio, taga-Cuyab at mahigit 70 taong gulang na ngayon,  na noong siya ay 15 taon pa lamang, sumasama sila ng kaniyang mga kaibigang bata sa paghatid kay Lolo Uweng sa Landayan. Inilahad niya na hinihiram ng parokya sa Bayan si Lolo Uweng upang iprusisyon at idinaraan ito sa highway pauwi sa Landayan.

Sa kahabaan ng Old National Highway, maraming motorista na lulan ng mga bus, jeep at kotse, na ang karamihan ay hindi kilala si Lolo Uweng, ang nakakita at nagbigay-pugay sa kanya. Ang mga empleyado ng  mga kumpanya sa highway ay nagsilabas sa kanilang mga opisina upang masilayan si Lolo Uweng.  Noong mga nakaraang panahon na idinaraan si Lolo Uweng sa highway na ito pagkatapos ng prusisyon sa Bayan, halos walang saksakyan bumabagtas dito at wala rin mga bahay at mga kumpanya sa lugar na ito.

Ang mga naninirahan sa mga subdivision na nakadikit sa Old National Highway na sakop ng Parokya ng Sto. Sepulcro, ay nagsitungo sa bungad ng kanilang subdivision upang saksihan ang pagdaan ni Lolo Uweng.  Kabilang dito ang mga nakatira sa Cataquiz Subd, Sibulo Subd, Villa Paz, at Alconville, na labis na nagpasalamat at hindi sila nakaligtaang daanan ni Lolo Uweng kahit sa bungad lamang.

“Sana sa ginawang pagdalaw ni Lolo Uweng dito sa aming mga lugar, mabibiyayaan kami ng kaayusan at kapayapaan at mahinto ang mga nangyayaring aksidente at krimen sa mga lugar namin, lalo na dito sa highway,” ang paghahangad ng mga opisyales ng mga villages. Naala-ala pa ng mga nakatatandang taga-Landayan na noong kalagitnaan ng 1900, may itinayong Krus na Puti sa highway sa bungad ng Landayan bilang paggunita at panalangin sa mga namatay sa aksidente sa lugar na iyon. Nanariwa din ang mga panahon na si Lolo Uweng ay idinaraan sa main road papasok sa Landayan na noon ay tinatawag na Kalsadang Hari ng mga taga-baryo.

Nakauwi si Lolo Uweng sa simbahan ng Landayan nang 7:00 ng gabi. Ang pinangangambahang Bagyong Chedeng ay hindi naganap. Sa harap ng simbahan, bininditahan ni Msgr. Barrion ang mga tao at  imaheng patron ng walong sub-parishes na kasama ni Lolo Uweng sa prusisyon. Sa pagtatapos ng prusisyon, mayroon pang isang kakaibang himala ang natambad. Maraming senior citizens, na ang iba ay may bahagyang kapansanan o karamdaman, mula sa Landayan, San Roque at Cuyab ang nakuhang tapusin ang pitong kilometrong prusisyon na tumagal ng apat na oras. Wika ng isang 65-taon gulang na deboto: “kapag inalay mo ang lakas at oras mo kay Lolo Uweng, hindi ka niya pababayaan.”

Pakiusap: pakipasa lang po ito sa mga kamag-anak, kaibigan, at kakilala bilang tulong sa pagpapalaganap ng debosyon kay Lolo Uweng. (Akda ni Sonny A. Ordona, Chairman, Public Affairs Committee, Sto. Sepulcro Parish. *Larawan kuha ni Victor Jaime)

Previous Article:

4 Comments for “Mga Himala sa Prusisyon ni Lolo Uweng”

  • Addie Parazo says:

    Talagang napaka milagroso ni Lolo Uweng. Kahit sa simpleng paraan at panalangin hindi natin napapansin nagkakaron ng kaganapan at katuparan ano man ang ating mga panalangin at kahilingan. Bago pa man natin ito sambitin ipinagkakaloob na nya ang ating mga panalangin at kahilingan. Ang araw-araw nating pag gising tuwing umaga ay isa ng HIMALA. Ang mga pagkain, inumim, damit at iba pang pangunahing pangangailangan natin sa araw-araw ay tanda rin na isang MILAGRO dahil sa dami ng mga hindi magagandang nagaganap sa ating kapaligiran.

  • luzviminda s. malaso says:

    isa ako sa mga taong naniniwala sa milagrong dala ni lolo uweng marami narin akong kahilingan na dininig nya although may lhilinagn pa kong d nya dinidinig pero umaasa parin ako at sumasampalataya kay lolo uweng na mabigyan nya yun nga katuparan. maraming salamat lolo uweng naway marinig pa po ninyo at pagbigyan ang iba pang kahilingan ng iyong mga mhal na apo.

  • Zeny A. Lacdan says:

    Viva Lolo Uweng ! I am one of the devotees of the great healer na si Lolo Uweng. So much faith kaya napagaling Niya ako sa aking karamdaman … INSTANTLY ! Marami pang HIMALA ang nangyari sa buhay ko. BUHAY talaga si LOLO UWENG. I am the living witness of HIS MIRACLES. Pls visit Him no doubt may milagrong darating sa buhay mo, no matter how impossible it is. Thank you very much Lolo Uweng for the gift of healing. We love you.

  • zandra says:

    sobrang devoted ako kay lolo uweng,., dahil sa kanya gumaling ang baby ko! himalang nagsra ang butas sa puso nya,.,. every friday i see to it n nakakapunta ko sa landayan,., your the best tlaga lolo uweng you never failed me!!!


Leave a Comment

More from category

Apostolic Nuncio visits Lolo Uweng
Apostolic Nuncio visits Lolo Uweng

Setting foot for the first time in Lolo Uweng’s home in Landayan, the Apostolic Nuncio, Archbishop Edward Joseph [Read More]

Columbian Award for Landayan KC Council
Columbian Award for Landayan KC Council

The Knights of Columbus Council 14904 of Landayan, which is the newest organization in the parish, received a Columbian [Read More]

2nd Lolo Uweng Book and Shrine Brochure
2nd Lolo Uweng Book and Shrine Brochure

Promoting and propagating the devotion to Lolo Uweng get another boost with the publication this year of the second [Read More]

Lolo Uweng Shrine as Religious Tourism Destination
Lolo Uweng Shrine as Religious Tourism Destination

During the year,the program to promote the Lolo Uweng Shrine in both global and national levels was intensified. Msgr. [Read More]